Kinilala ang Bombo Radyo Philippines bilang Best Radio Network sa prestihiyosong Pro Patria Journalism Awards, na iginagawad ng Rotary Club of Manila.

Iginawad ang parangal kahapon, June 11, 2026 sa Makati City, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Independence Day ng Rotary Club of Manila.

Sa citation ng awards committee, binigyang-diin ang matagal nang serbisyo ng Bombo Radyo sa pagbibigay ng tapat at mapagkakatiwalaang balita, impormasyon, at public service para sa mga Pilipino sa buong bansa.

Ayon pa sa parangal, kinilala ang Bombo Radyo bilang isa sa mga pinakamapagtitiwalaang source ng balita, dahil sa malakas nitong presensya sa mga probinsya at programang nakatuon sa komunidad na mabilis maghatid ng impormasyon at serbisyo sa mamamayan.

Pinarangalan din ang mahalagang papel ng network tuwing may mga bagyo, sakuna, at emergency, kung saan nagsisilbi itong tulay ng agarang impormasyon para sa kaligtasan ng publiko.

Giit pa sa citation, ang Bombo Radyo Philippines ay may matibay na reputasyon ng serbisyo publiko at malasakit sa komunidad, kaya’t tunay na nararapat sa pagkilalang ito.

Ang Pro Patria Journalism Awards ay isa sa mga iginagalang na parangal sa larangan ng pamamahayag sa bansa. Ang “Pro Patria” ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay “Para sa Bayan,” na sumasalamin sa layunin nitong kilalanin ang mga mamamahayag at media organizations na nagsusulong ng katotohanan, demokrasya, at makabuluhang serbisyo publiko.

Kinikilala ng parangal ang mga institusyon at indibidwal na nagpapakita ng katapatan, tapang, integridad, moral na responsibilidad, at dedikasyon sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.

Iginagawad ito ng Rotary Club of Manila, ang kauna-unahan at pinakamatandang Rotary Club sa Asya na itinatag noong 1919, at isa na ngayon sa pinakaprestihiyosong awarding body sa larangan ng pamamahayag sa Pilipinas.