Nanawagan si Bangsamoro People’s Party Secretary General MP Atty. Rasol Mitmug Jr. ng pagkakaisa sa gitna ng umiinit na tensyon sa pagitan ng mga political supporters sa BARMM.

Sa isinagawang press conference matapos ang paghahain ng kanilang kandidatura sa COMELEC, iginiit ni Mitmug na iwasan ang pagpapakalat ng fake news at pakikipagtalo sa ibang partido.

Ayon kay Mitmug, hindi dapat ituring na kalaban ang ibang political parties dahil ang laban aniya ay nakabatay sa mga isyu at hindi sa personalidad.

Binigyang-diin din nito na mahalagang igalang ang pagpili ng bawat isa sa kanilang sinusuportahang partido.

Sinabi pa ni Mitmug na likas sa parliamentary system ang pagkakaroon ng multi-party setup kung saan nagsasama-sama ang iba’t ibang grupo upang makabuo ng majority at makapagserbisyo sa mamamayan.

Giit nito, iisa lamang ang layunin ng lahat ng partido sa Bangsamoro at ito ay ang makapaghatid ng serbisyo publiko.

Hinimok din ni Mitmug ang publiko na pairalin ang respeto sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw sa politika.

Aminado si Mitmug na dumarami na ang mga political parties sa rehiyon ngunit aniya ay positibo ito dahil mas maraming maaaring makatulong sa pamamahala.

Gayunman, pinaalalahanan nito ang mga botante na maging mapanuri sa pagpili ng kandidato upang maiwasan ang maling resulta sa halalan.

Kasunod nito, kinondena rin ni Mitmug ang mga insidente ng pananakit at karahasan sa pagitan ng mga supporters na aniya’y hindi dapat mangyari sa gitna ng demokratikong proseso.

Paliwanag pa nito, ang politika ay may mga patakaran na dapat sundin tulad ng sa isang laro kung saan mahalaga ang disiplina at respeto.

Nakatakdang idaos ang kauna-unahang Parliamentary Election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Setyembre 14, 2026.