Nabawi ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isang hinihinalang carnapped na Toyota Fortuner sa isinagawang law enforcement support operation sa Barangay Lapok, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Agosto 1.
Ayon sa 601st Infantry Brigade, natanggap nila ang impormasyon tungkol sa sasakyang iniulat na na-carnap matapos itong paupahan ng may-ari sa Esperanza, Sultan Kudarat. Lumabas sa isinagawang intelligence monitoring na ginamit umano ang sasakyan sa pagbiyahe patungong Davao bago natunton ang kinaroroonan nito sa pamamagitan ng GPS tracking sa Shariff Aguak.
Dahil dito, agad nag-utos si Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, na magsagawa ng joint law enforcement support operation. Pinangunahan ito ng Bravo Company ng 34th Infantry Battalion sa pamumuno ni Captain Jerson P. Balagot, katuwang ang mga tauhan ng Shariff Aguak Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Lieutenant Skylabernesto C. Guarin, Deputy Chief of Police.
Naging matagumpay ang operasyon at ligtas na nabawi ang naturang sasakyan.
Personal namang nagtungo sa himpilan ng 601st Infantry Brigade ang may-ari ng sasakyan na si Tito Villanueva Reyes upang magpasalamat sa mga sundalo at pulis na nagsagawa ng operasyon.
Ayon kay Brig. Gen. Catu, naging posible ang matagumpay na pagbawi ng sasakyan dahil sa maagap na pagtugon at mahusay na koordinasyon ng militar, kapulisan, at lokal na pamahalaan. Tiniyak din niyang mananatiling katuwang ng publiko ang kanilang yunit sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa komunidad.
Samantala, pinuri naman ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Acting Commander ng Western Mindanao Command, Commander ng 6th Infantry Division, at Joint Task Force Central, ang mga sundalo ng 34th Infantry Battalion, 601st Infantry Brigade, at Philippine National Police dahil sa mabilis at epektibong koordinasyon na nagresulta sa matagumpay na pagkakarekober ng sasakyan.
Binigyang-diin ni Cagara na ang naturang operasyon ay patunay ng matibay na pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at mga lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa rehiyon.

















