Tahasang sinagot ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga kritisismo sa kanyang madalas na pagla-live sa Facebook, kabilang ang mga puna mula kina Senator Raffy Tulfo at Senator Erwin Tulfo.
Sa kanyang Facebook Live, iginiit ni Cayetano na hindi niya nauunawaan kung bakit siya pinupuna sa paggamit ng social media, gayong maging ang magkapatid na Tulfo ay aktibo rin umano sa online platforms.
Ayon sa senador, mas marami umanong tumatangkilik sa kanyang mga online broadcast dahil nais ng publiko na marinig ang kanyang panig at bersyon ng mga isyu.
Sa naturang live, direkta ring pinasaringan ni Cayetano sina Senators Raffy Tulfo at Erwin Tulfo, gayundin si Senator Ping Lacson, na aniya ay nagpapalitan lamang sa pagpuna at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya.
Matatandaang naging sentro ng kontrobersiya si Cayetano dahil sa kanyang madalas na Facebook Live noong panahon na ang kanyang grupo ay hindi regular na dumadalo sa sesyon ng Senado, habang siya pa ang Senate President.
Giit naman ng magkapatid na Tulfo, mas mainam umanong unahin ang pagdalo sa sesyon kaysa sa aktibong pagpo-post sa social media.
Samantala, muling umingay ang isyu matapos ihayag ni Senator Ping Lacson na tinatayang nasa ₱700 milyon umano ang nasayang na pondo ng bayan sa loob ng 28 araw na pamumuno ni Cayetano bilang Senate President.
Hindi diretsahang itinanggi ni Cayetano ang naturang alegasyon, ngunit sinabi niyang pareho lamang umano ang magiging gastos ng Senado kahit sino pa ang nakaupong lider nito sa naturang panahon.

















