Tiniyak ng Commission on Elections na maaari pa ring magsumite ng Certificate of Nomination and Acceptance o CONA ang mga regional parliamentary political parties kahit may kinakaharap na petisyon o nakabinbin pa ang kanilang akreditasyon sa En Banc.
Ito ang kinumpirma ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato.
Ayon kay Garcia, pinapayagan ang mga partidong politikal na magbigay ng CONA sa kanilang mga pambato para sa posisyon ng Parliamentary District Representatives.
Dagdag pa ng poll chief, tatanggapin pa rin ng mga tanggapan ng COMELEC sa mga rehiyon ang Certificates of Candidacy o COC na may kalakip na CONA ng isang partido kahit ito ay may kinakaharap na petisyon o hindi pa pinal ang akreditasyon.
Binigyang-diin ni Garcia na magiging hindi patas kung tatanggihan ang CONA ng isang partido batay lamang sa pagkakaroon nito ng nakabinbing kaso o usapin sa komisyon.
Dahil dito, siniguro ng opisyal sa mga aspirante na maaari silang maghain ng kanilang COC na may attached na CONA anuman ang kasalukuyang estado ng kanilang partido sa COMELEC.
















