Arestado ang dalawang lalaki sa isinagawang police operation sa Sitio Mamaanun, Barangay Campo Islam, Parang, Maguindanao del Norte noong gabi ng Agosto 14, 2026.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jo” at “Ony,” kapwa residente ng Barangay Mamaanun sa nasabing bayan.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsasagawa ng mobile patrol ang mga tauhan ng Parang Municipal Police Station kasama ang Tactical Support Company nang mapansin ang dalawang lalaki sa isang waiting shed.

Nang makita umano ang paparating na police vehicle, nagtangkang magtago ang dalawa sa ilalim ng sementadong upuan, dahilan upang beripikahin sila ng mga pulis.

Sa isinagawang intervention, isang suspek umano ang naghulog ng nakatiklop na puting papel na naglalaman ng tatlong heat-sealed transparent sachet na may puting mala-kristal na substance na hinihinalang shabu.

Tinatayang nasa 0.6 gramo ang kabuuang timbang ng hinihinalang ilegal na droga, na may tinatayang street value na isang libong piso.

Dinala ang dalawang suspek at nakumpiskang items sa Parang Municipal Police Station para sa dokumentasyon at turnover sa Regional Forensic Unit sa Cotabato City para sa drug testing at pagsusuri.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag umano sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang paiigtingin ng Parang Municipal Police Station ang kampanya laban sa ilegal na droga habang sinisiguro ang pagsunod sa tamang proseso at mga karapatan ng mga inaresto.