Mas mataas na temperatura ang inaasahan ngayong araw sa Cavite, habang patuloy na umiiral ang matinding init sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Batay sa datos ng state weather bureau, maraming lugar ang nasa extreme caution level dahil sa mataas na heat index na posibleng magdulot ng epekto sa kalusugan, lalo na sa mga nasa labas ng bahay.

Sa inilabas na Top 10 Highest Heat Index Forecast para sa Abril 21, 2026, nangunguna ang Sangley Point, Cavite na posibleng umabot sa 43°C.

Kasunod nito ang Dagupan City sa Pangasinan, San Jose sa Occidental Mindoro, Iloilo City, at Tacloban City na may 41°C.

Nasa 40°C naman ang inaasahan sa Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan, Baler sa Aurora, San Ildefonso sa Bulacan, at Puerto Princesa City sa Palawan.

Ayon sa PAGASA, ang heat index na 27°C hanggang 32°C ay nasa normal range, habang 33°C hanggang 41°C ay nasa caution hanggang extreme caution level.

Nasa danger level naman ang 42°C hanggang 51°C, at extreme danger kapag umabot sa 52°C pataas.

Patuloy ang paalala sa publiko na umiwas sa matagal na pagkabilad sa araw, uminom ng sapat na tubig, at mag-ingat laban sa heat-related illnesses.