Nanawagan ang BARMM Grand Coalition o BGC ng dayalogo sa United Bangsamoro Justice Party o UBJP at Bangsamoro Federal Party o BFP para sa pagbuo ng isang nagkakaisang pamahalaan sa Bangsamoro.
Sa opisyal na pahayag ng BGC, kinilala nito ang naging mandato ng mga botante sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections at nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan sa iba pang partidong nakakuha ng puwesto sa Parliament.
Ayon sa BGC, layunin nitong pag-usapan ang mga paraan para makabuo ng isang cohesive at inclusive na regional government, kabilang ang representasyon at partisipasyon ng Moro National Liberation Front at iba pang political parties.
Nais din ng coalition na talakayin ang pagpapabilis sa pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan, partikular ang normalization at decommissioning sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Kasama rin sa nais pag-usapan ng BGC ang pananagutan sa mga insidente ng karahasan at mga iniulat na iregularidad sa nagdaang halalan.
Pangungunahan nina Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Adiong Jr., Basilan Governor Mujiv Hataman, dating Maguindanao Governor at TESDA Secretary Suharto “Teng” Mangudadatu, at Sulu Vice Governor Abdusakur Tan ang dayalogo sa iba pang political parties.
Ayon sa BGC, mahalaga ang dayalogo, consensus-building at kooperasyon sa pagbuo ng unang halal na pamahalaang Bangsamoro.

















