Nagkaroon umano ng hindi pagkakasundo sa pagitan ng Senado at Kamara kaugnay ng panukalang gawing permanente o institutionalized ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), matapos umanong tutulan ng ilang miyembro ng House of Representatives ang probisyong nagbabawal sa mga pulitiko na makibahagi sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon kay Senador Erwin Tulfo, nagkaroon ng “deadlock” sa panukala dahil tumanggi umano ang Mababang Kapulungan na lagdaan ang bersyon ng Senado na naglalaman ng tinatawag na “anti-epal provision.”
Sa isang pahayag matapos ang special session nitong Miyerkules, sinabi ni Tulfo na tila hindi pabor ang ilang mambabatas sa naturang probisyon dahil matagal na umano itong bahagi ng nakagawiang sistema sa pamamahagi ng ayuda.“Parang ayaw nila ‘yung anti-epal. Nilagyan natin ng anti-epal kasi parang practice na nila. Ito ‘yung ginagamit kapag election, pamimigay ng AICS. Inalis natin ‘yun,” ani Tulfo.
Ipinaliwanag ng senador na layunin ng probisyon na pigilan ang paggamit ng ayuda para sa pamumulitika o political patronage. Aniya, malinaw sa panukala na hindi maaaring direktang mamahagi ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga halal na opisyal at iba pang kawani ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Tulfo, nakita na niya ang ganitong isyu noong siya pa ang namumuno sa DSWD, kaya ipinagbawal niya noon ang pakikilahok ng mga pulitiko sa distribusyon ng ayuda.Ang AICS ay programa ng DSWD na nagbibigay ng agarang pinansyal na tulong sa mga indibidwal at pamilyang nahaharap sa krisis, kabilang ang gastusing medikal at iba pang biglaang pangangailangan.
Ayon kay Tulfo, hindi dapat nakikibahagi ang mga pulitiko sa pamamahagi ng ayuda dahil nagmumula ito sa pondo ng gobyerno at dapat ipatupad lamang ng mga kinauukulang ahensya gaya ng DSWD.Kabilang ang AICS bill sa mga prayoridad na panukala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglalayong gawing batas ang programa at matiyak ang regular na paglalaan ng pondo para rito.
Dahil sa hindi pagkakasundo ng Senado at Kamara, inaasahang muling tatalakayin ang panukala sa bicameral conference committee upang mapag-isa ang magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan.

















