Di na umabot pang buhay sa bahay pagamutan ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ito habang minamaneho ang kanyang pick-up truck sa intersection ng ORC, Sinsuat Avenue, Cotabato City, alas dos ng hapon kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Ahmad Kanapia Utto, 25-anyos at residente sa bayan ng Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.

Sugatan naman ang mga kasama nito na sina Marathi Felmin at Jeypee Emran na pawang Brigade Commander ng MILF at sina Alladin Utto at Tahir Tega Sam, 61-anyos.

Ligtas naman ang mga nakasakay sa likod na bahagi ng sasakyan na sina Johar Felmin, Nasrullah Maulan, Yusop Kamad, Said Felmin at Mar Angkangat.

Samantala, positibong kinilala ng mga biktima ang suspek na si Kanandok Mukadas, 33-anyos. Sa panayam kay City Police Station 2 Commander Capt. Teofisto Ferrer, sakay ng isang hilux pick-up na kulay gray ang mga biktima at paalis na sana sila sa traffic light ng lapitan sila ng isang lalaki na may dalang baril at binira na ito ang mga biktima ng putok ng baril.

Narekober sa pinangyarihan ang walong basyo ng bala ng kalibre 45 pistola. Personal grudge o paghihiganti ang isa sa mga motibong tinitignan ng kapulisan sa krimen.