Ganap nang tropical storm ang namataang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR matapos itong lumakas ngayong Martes, ayon sa PAGASA.
Sa inilabas na weather advisory, kinilala ang weather disturbance bilang Tropical Storm JANGMI na huling namataan sa layong 1,260 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 kilometers per hour habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa PAR ang bagyo bukas ng gabi, May 28, at tatawaging “Domeng” sa oras na makapasok ito sa bansa.
Posible rin itong lumakas at maging ganap na typhoon pagsapit ng Sabado habang nasa bahagi ng Philippine Sea.
Bagama’t mababa ang tiyansang direktang mag-landfall sa bansa, maaari pa rin nitong palakasin ang southwest monsoon o habagat na magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Samantala, apektado naman ng southwesterly windflow ang Palawan at western section ng Mindanao.
Sa rehiyon ng BARMM, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat dulot ng naturang weather system.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan.
Pinapayuhan naman ang publiko, lalo na ang mga residente sa mabababang lugar at bulubunduking bahagi, na manatiling alerto at sumubaybay sa mga susunod na weather advisory ng PAGASA.

















