Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo at matunton ang mga salarin sa malagim na pagkamatay ng isang Shopee delivery rider na natagpuan sa sapa sa Sitio Mani, Barangay Topland Koroandal City alas-9:40 Martes ng umaga.

Ito ay matapos na emosyonal na kinumpirma ng pamilya na ang natagpuang bangkay sa isang sapa ay ang nawawalang si Josel Velasco Piz, alyas “Oket”, 34 taong gulang, binata, at residente ng Purok Mabuhay, Barangay Mabini, Koronadal City. Positibong kinilala ng mismong ama at kapatid ng biktima ang labi nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nanay Estelita Monton, isang residente sa naturang lugar, inilahad nitong pasado alas-9:40 ng umaga nang mapansin niya ang isang katawan ng tao na nakalutang sa sapa. Agad itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad na nagbunsod naman sa pagresponde ng pamilya Piz upang suriin ang bangkay.

Ayon sa kapatid ng biktima, nakitaan ng mga kahina-hinalang sugat (suspected wounds) ang katawan ni Oket. Dahil dito, malaki ang hinala ng pamilya na posibleng kinidnap muna ang rider, pinatay, at saka itinapon sa suba o sapa kung saan siya natagpuan.

Matatandaang huling nakitang buhay si Piz noong Mayo 20, 2026, sa parehong barangay at agad na iniulat ng pamilya ang pagkawala nito sa Koronadal City PNP matapos na hindi na makauwi.