Nadismantle ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 10 (PDEA-10) ang isang drug den sa Barangay Casisang, Malaybalay City matapos ang isinagawang buy-bust operation noong Hunyo 12, 2026 bandang 3:45 ng hapon.
Ayon sa ulat, nagsanib-puwersa ang PDEA-10 Bukidnon Provincial Office, Malaybalay City Police Station, at Regional Intelligence Unit–Bukidnon Provincial Intelligence Team na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Nakumpiska sa operasyon ang 16 sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 6 gramo at halagang aabot sa ₱40,800.
Bukod dito, nasamsam din ang dalawang cellphone, itim na wallet na may lamang driver’s license, drug paraphernalia, at marked money na ginamit sa buy-bust operation.
Kinilala ang mga naaresto sa alyas “Lulu,” 63; “Lyn,” 33; at “Gard,” 36, na pawang residente ng Malaybalay City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA-10 detention facility ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 12, at 15 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Muling iginiit ng PDEA-10 ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng intelligence-driven at inter-agency operations upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa masamang epekto ng droga.

















