Anim na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto matapos mabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM (PDEA-BARMM) ang isang umano’y drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Poblacion 3, Midsayap, North Cotabato kahapon Hulyo 16.
Ayon sa PDEA-BARMM, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Regional Special Enforcement Team (RSET), katuwang ang PDEA Regional Office XII at Philippine National Police Regional Intelligence Unit-BARMM (PNP RIU-BARMM).
Kinilala lamang sa mga alyas na Yasser, Hasna, Asser, Christian, Abdul, at Emmanuel ang anim na naaresto. Itinuro ng mga awtoridad si alyas Hasna bilang umano’y maintainer ng naturang drug den.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 16 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P102,000.00 gayundin ang iba’t ibang drug paraphernalia, buy-bust money, tatlong identification cards, apat na cellphone, isang improvised caliber .45 na baril, at dalawang bala ng caliber .45 ACP.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang pagbebenta ng ilegal na droga, pagpapanatili ng drug den, pagiging empleyado o bisita sa drug den, pag-iingat ng ilegal na droga, at pagmamay-ari ng drug paraphernalia.
Sasampahan din ang mga ito ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 kaugnay ng ilegal na pag-iingat ng baril at mga bala.

















