Pormal nang inako ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ang operational responsibility sa General Santos City kasunod ng isang transition ceremony na isinagawa sa Headquarters, Task Force General Santos, nitong April 24.

Pinangunahan ang aktibidad nina Lt. Gen. Adonis Ariel G. Orio PA, Commander ng EastMinCom, at Lt. Gen. Donald M. Gumiran PA ng WestMinCom, kasama ang mga commander ng 6th Infantry Division, 10th Infantry Division, at Task Force General Santos.

Sa ilalim ng realignment, pormal na inilipat ang operational jurisdiction ng General Santos City at Tambler International Airport mula sa 6ID ng WestMinCom patungo sa 10ID ng EastMinCom. Kasabay nito, inilipat din ang operational control ng Task Force General Santos, kabilang ang mga key facilities at assets, bilang bahagi ng maayos na turnover upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon.

Bahagi rin ng pagbabago ang pag-aayos ng maritime boundaries upang malinaw na maipamahagi ang responsibilidad sa land, air, at maritime domains. Gayunman, nananatiling pinapayagan ang coordinated access ng WestMinCom naval assets sa Sarangani Bay bilang strategic staging area.

Ayon sa AFP, layunin ng hakbang na palakasin ang transition mula internal security operations patungo sa mas pinatibay na external security posture, habang tinitiyak ang walang patid na operasyon at seguridad sa lugar.

Binigyang-diin ni Lt. Gen. Orio na isinagawa ang proseso sa maayos at phased na paraan upang maiwasan ang anumang security gaps at mapanatili ang operational continuity.

Tiniyak din ng militar na nananatiling ligtas at stable ang General Santos City, habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies.

Sa kabuuan, inaasahang magpapalakas ang realignment sa command and control, magpapabilis ng response capabilities, at magpapatibay sa seguridad at katatagan sa Eastern Mindanao.