Isang pagsabog ang naitala sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur bandang alas-6:30 ng umaga ngayong Sabado, Hulyo 18.
Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central, isang yunit ng 2nd Scout Ranger Battalion ang hinagisan ng granada habang sakay ng kanilang sasakyan at bumibiyahe sa nasabing lugar.
Ayon sa paunang impormasyon, ang granada ay inihagis ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang militar hinggil sa insidente, kabilang ang kung may nasawi o nasugatan at ang motibo ng naturang pag-atake.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari habang isinasagawa ang kaukulang imbestigasyon.

















