Nangako ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) na matatapos sa loob ng isang buwan ang pagsasaayos at pagbeberipika ng kanilang mga rekord katuwang ang Government Service Insurance System (GSIS) upang matugunan ang mga kakulangan sa datos ng kontribusyon ng mga empleyado at mapabilis ang pagproseso ng kanilang mga benepisyo.
Nabuo ang naturang komitment sa isinagawang joint oversight hearing ng mga Committee on Basic, Higher, and Technical Education at Committee on Finance, Budget, and Management noong Hunyo 24. Sa pagdinig, binigyang-diin ng mga mambabatas ang kahalagahan ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng MBHTE at GSIS upang matukoy at maresolba ang mga hindi nagtutugmang datos sa records ng mga kawani at remittances.
Ayon sa MBHTE, mayroon itong kabuuang 39,827 personnel, kung saan 28,434 ang may GSIS contributions hanggang nitong Mayo. Samantala, nasa 1,333 records pa ang kasalukuyang sumasailalim sa reconciliation process.
Ipinaliwanag naman ng mga opisyal ng GSIS-Cotabato City na ang mga discrepancy ay pangunahing dulot ng hindi agarang pag-update ng status ng ilang empleyado, kabilang ang mga humiwalay na sa serbisyo, namatay, nagkaroon ng pagbabago sa sahod, o nasa leave without pay status.
Sinabi ni MBHTE Deputy Minister Bantuas Lucman na target ng ministeryo na makumpleto ang reconciliation sa loob ng isang buwan kasabay ng pagpapatupad ng mga reporma sa sistema. Kabilang dito ang pagpapatibay ng standardized procedures sa lahat ng subsectors, pagpapahusay sa records management, at paglikha ng real-time response mechanism para sa mga concern ng mga personnel.
Plano rin ng MBHTE na magtalaga ng opisyal na tagapagsalita at magbukas ng hotline para sa mga usaping may kaugnayan sa GSIS upang mapalakas ang pagtugon sa mga reklamo at katanungan ng mga empleyado.
Ayon sa mga mambabatas, magpapatuloy ang kanilang oversight efforts upang matiyak ang tamang pagmamantine ng records, maayos na pagsubaybay sa remittances, at napapanahong pag-access ng mga kawani ng pamahalaan sa kanilang GSIS benefits.

















