Isang guro ang umano’y sapilitang isinama ng dalawang lalaki matapos harangin ang sinasakyan nitong traysikel sa Barangay Lilod Maguing, Maguing, Lanao del Sur kahapon Agosto 12, 2026.
Kinilala ang sinasabing biktima na si alyas Bai, nasa hustong gulang, hiwalay sa asawa, guro sa Malungun Elementary School at residente ng Barangay Malungun, Maguing, Lanao del Sur.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Maguing Municipal Police Station, sumakay ang biktima sa isang pampasaherong traysikel na minamaneho ni alyas Sai sa bayan ng Mulondo patungong Maguing.
Pagdating umano sa Barangay Lilod Maguing, biglang hinarangan ng isang pulang Toyota Rush SUV ang kanilang traysikel.
Mula sa naturang sasakyan, bumaba umano ang dalawang lalaki na kinilalang si alyas Arab at ang hindi pa nakikilalang kasama nito.
Sapilitan umanong hinila ng mga suspek ang biktima palabas ng traysikel at isinakay sa kanilang SUV laban sa kanyang kagustuhan.
Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng naturang sasakyan patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Samantala, nagsagawa na ng hot pursuit operation ang Maguing MPS at inalerto ang mga kalapit na himpilan ng pulisya para sa posibleng pagkakaaresto sa mga suspek.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kinaroroonan ng biktima at makilala ang mga suspek na sangkot sa insidente.

















