Lumikas sa mga evacuation center ang nasa 12,000 residente sa Metro Manila matapos maapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagbaha na dulot ng Hanging Habagat.

Sa Quezon City, mahigit 5,400 indibidwal ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation center o temporary shelters.

Samantala, unti-unti nang bumababa ang baha sa ilang bahagi ng Araneta Avenue sa lungsod, na nagbibigay-daan para bahagyang gumanda ang kondisyon ng mga residente at biyahero.

Sa Pasig City, umabot naman sa 1,970 pamilya o 7,061 indibidwal ang lumikas at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center dahil sa pagbaha.

Sa Maynila, halos 500 katao rin ang inilikas matapos mabilis na tumaas ang tubig-baha sa ilang lugar.

Gayunman, nananatiling apektado ang ilang kalsada sa lungsod dahil hindi pa lubusang humuhupa ang baha, kaya patuloy ang abiso sa mga motorista at biyahero.

Patuloy naman ang pagbabantay ng mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction and management offices sa kalagayan ng mga evacuee, gayundin sa kondisyon ng mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.