Nagdudulot ng malakas na pag-ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa ilang bahagi ng Luzon, habang patuloy namang nakaaapekto ang localized thunderstorms sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Samantala, isang tropical cyclone ang namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.

Ang Tropical Storm Peilou ay nasa layong 2,515 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo patungong east-southeastward sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Makararanas ng monsoon rains ang Benguet, Zambales at Bataan dahil sa Habagat, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding pag-ulan.

Paminsan-minsan naman ang pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, iba pang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro at Occidental Mindoro.

Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Samantala, magiging maulap ang kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, iba pang bahagi ng Cagayan Valley, CALABARZON at MIMAROPA, gayundin sa Camarines Norte at Camarines Sur.

Sa BARMM, patuloy na nakaaapekto ang localized thunderstorms sa buong rehiyon. Asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Basilan, Maguindanao del Norte, Cotabato City at Maguindanao del Sur.

Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa kapag nakaranas ng malakas na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at mga baybaying komunidad, na manatiling alerto sa posibleng pagbabago ng panahon at kondisyon ng karagatan.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na makinig sa mga susunod na weather update mula sa mga awtoridad.