Pormal nang nanumpa bilang mga bagong miyembro ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) ang mahigit 1,000 halal na lokal na opisyal mula sa District 5 ng Maguindanao del Sur sa isang pagtitipon na ginanap ngayong Miyerkules, Agosto 5, sa General Salipada K. Pendatun.
Kabilang sa mga lumahok sa panunumpa ang mga alkalde, bise alkalde, konsehal, punong barangay at mga kagawad mula sa mga bayan ng General Salipada K. Pendatun, Paglat at Datu Paglas.
Pinangunahan ang programa ni dating General Salipada K. Pendatun Mayor Rafsanjani “Bimbo” Ali, na tumatakbo bilang kinatawan ng Bangsamoro Federalist Party sa ika-5 Distrito ng Maguindanao del Sur para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.
Nakiisa rin sa aktibidad ang mga lider ng partido, kabilang sina BFP President MP Dr. Tomanda Antok, Maguindanao del Sur Provincial Chapter President MP Michael Midtimbang, MP Jambo Matalam, Mayor Raisa Langkuno, dating Kongresista Tong Paglas, at iba pang mga opisyal at residente ng limang munisipyo.
Sa programa, binigyang-diin ng mga lider ng partido ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang direksyon sa pamumuno, pagpapalakas ng ugnayan ng mga lokal na opisyal, at patuloy na pagsusulong ng mga programang magbibigay ng mas maayos na serbisyo sa mga mamamayan ng Bangsamoro.
Ang naturang panunumpa ay bahagi ng pagpapalawak ng hanay ng Bangsamoro Federalist Party sa iba’t ibang lugar ng Maguindanao del Sur bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa rehiyon.

















