Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa gilid ng ilog sa Sitio Palaopao, Barangay Maluko, Sumilao, Bukidnon.
Batay sa paunang impormasyon ng mga awtoridad, tinatayang nasa pagitan ng 25 hanggang 30 taong gulang ang biktima.
Agad na nagsagawa ng retrieval operation ang mga tauhan ng Manolo Fortich Municipal Police Station sa pamumuno ni PLTCOL Rogie C. Ortencio, katuwang ang Sumilao Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP)-Sumilao, at Sumilao Rescue Team.
Matapos ang retrieval operation, inilipat ang bangkay sa Everlasting Funeral Home sa Barangay Kisolon, Sumilao, kung saan ito pansamantalang nakalagak habang hinihintay ang posibleng pagkilala ng mga kaanak.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na ang sinumang may nawawalang lalaking kamag-anak o may impormasyong makatutulong sa pagkilala sa biktima ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o magtungo sa nasabing punerarya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.

















