Arestado ang isang High-Value Individual o HVI matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isinagawang pagsisilbi ng search warrant sa Barangay Katidtuan, Kabacan, Cotabato, madaling araw ng Hulyo 27.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Manay,” 41-anyos.
Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng Cotabato Police Provincial Office Provincial Drug Enforcement Unit, katuwang ang Kabacan Municipal Police Station.
Nasamsam mula sa suspek ang anim na sachet na naglalaman ng tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na aabot sa P170,000, gayundin ang isang itim na coin purse at isang itim na sling bag.
Dinala na sa Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya para sa laboratory examination.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Kabacan Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PRO-12 Acting Regional Director Police Brigadier General Alan B. Manibog ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at iginiit na magpapatuloy ang pinaigting ngunit naaayon sa batas na kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatiling ligtas ang mga komunidad sa SOCCSKSARGEN.

















