Nakarekober ang mga tropa ng pamahalaan ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng improvised explosive device (IED) sa isang operasyon sa Sitio Palompon, Barangay Mahaba, Marihatag, Surigao del Sur noong April 12, 2026.

Ayon sa ulat, ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensya ng mga kahina-hinalang war materials sa lugar.

Agad rumesponde ang mga tropa mula sa Delta Company ng 75th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Earl C. Pardillo, katuwang ang 1st Civil-Military Operations Company at sa ilalim ng 401st Infantry “Unite N’ Fight” Brigade na pinamumunuan ni Colonel Glenn Joy U. Aynera.

Sa isinagawang operasyon, natagpuan at narekober ang apat (4) na galon ng tinatawag na Nitro Energetic Molecule na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng IED. Kaagad itong sinigurado ng mga awtoridad at dinala sa Palompon Patrol Base para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.

Ayon sa militar, ang pagkakadiskubre sa mga nasabing materyales ay patunay ng patuloy na pagbabantay at kahandaan ng mga tropa laban sa banta ng armadong grupo, gayundin sa layuning mapigilan ang anumang planong karahasan laban sa mga puwersa ng pamahalaan at mga sibilyang komunidad.

Pinuri naman ni Colonel Aynera ang kooperasyon ng mga mamamayan at militar, at binigyang-diin na ang ganitong uri ng operasyon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na pahinain ang kapasidad ng mga natitirang armadong grupo sa rehiyon tungo sa pangmatagalang kapayapaan.