Nadagdagan pa ang mga legal na hakbang sa Korte Suprema kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara, matapos magsumite ng ikaapat na petisyon na humihiling na ipatigil ang proseso.
Ang bagong petisyon ay inihain nina Hue Jyro Go, Micah De Guzman, at Jake Leoncini, na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) o injunction upang pigilan ang pagdinig sa ikatlo at ikaapat na impeachment complaints, kabilang na ang pagpapalabas ng mga subpoena.
Sa kanilang 34-pahinang petisyon, iginiit ng mga petitioner na may mga hakbang umano sa House of Representatives na labis na lumalampas sa saklaw ng reklamo, kabilang ang pag-iisyu ng subpoena na tinawag nilang “fishing expedition,” at pagkuha ng mga dokumentong hindi direktang kaugnay ng mga alegasyon.
Kinuwestiyon din nila ang malawakang paghingi ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), na ayon sa kanila ay walang malinaw na kaugnayan sa kaso.
Iginiit pa ng mga petitioner ang umano’y kakulangan sa patas na proseso dahil sa bias ng ilang mambabatas, na kanilang iniuugnay sa isyu ng grave abuse of discretion.
Matatandaang ang tatlong naunang petisyon ay hiwalay na inihain ni Vice President Sara Duterte, ilang grupo ng mga abogado, at mga pribadong mamamayan.
Sa ngayon, inatasan na ng Korte Suprema ang Kamara at House Committee on Justice na magsumite ng kanilang opisyal na komento kaugnay ng mga petisyon.

















