Dead on arrival sa ospital ang Zamboanga del Sur Provincial Information Officer na si Jesreel Himang matapos pagbabarilin ng kanyang sariling escort sa loob ng isang beach resort sa Vincenzo Sagun, Zamboanga del Sur, bandang 11:50 ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Reymond Antifuelo Lopecillo, residente ng Babylop, Midsalip, Zamboanga del Sur, na agad na naaresto ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat ng Vincenzo Sagun Municipal Police Station, naganap ang insidente sa loob ng function hall ng RM Beach Resort sa Barangay Ambulon kung saan nag-iinuman umano ang grupo ng biktima. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Himang at Lopecillo hanggang sa bigla umanong bumunot ng kalibre .45 na baril ang suspek at pinaputukan ang Information Officer.
Tinamaan si Himang sa ilong, tiyan, at braso, habang nadamay naman ang 24-anyos na babaeng estudyante na si Celgwen Mae Quirbajosa Arellano, residente ng Tigbao, Zamboanga del Sur, na tinamaan ng dalawang bala sa kanyang katawan.
Agad isinugod sa Margosatubig Regional Hospital ang dalawang biktima ngunit idineklarang patay si Himang, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa ospital si Arellano.