Nasawi na nang matagpuan ang isang 32-anyos na guro mula Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur sa loob ng isang lodging house sa Koronadal City kagabi.

Kinilala ang ang biktima sa alyas na “Ebs,” residente ng Barangay Barurao at guro sa Datu Mamalo Memorial National High School.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-11:30 ng tanghali nang mag-check in ang biktima sa lodging house kasama ang isang hindi pa nakikilalang babae. Pagsapit ng alas-6:40 ng gabi, napilitan ang tagabantay ng establisyimento na buksan ang silid matapos hindi na tumugon ang guro sa kanilang mga tawag.

Doon na nadiskubre ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay. Ayon sa ulat, nauna nang umalis ang babaeng kasama ng guro bago pa ito natagpuang patay at sa kasalukuyan ay hindi pa natutunton ng mga awtoridad.

Sa pagsusuri ng South Cotabato Forensic Unit, wala umanong nakitang malinaw na senyales ng foul play o pananakit na magtuturo sa krimen. Paunang hinala ng mga imbestigador, maaaring inatake ang biktima ng dati nitong karamdaman.

Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng guro, habang nananawagan naman ng hustisya ang kanyang pamilya.