Nasawi ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Poblacion, Talayan, Maguindanao del Sur, kahapon, Agosto 8, 2026.
Kinilala ang biktima na si Misuary Bago Mayuan, 47-anyos, barangay kagawad ng Barangay Alunganen sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Talayan Municipal Police Station, dakong alas-1 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang shooting incident sa nasabing lugar.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Talayan MPS at nakumpirma ang insidente.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang kanyang itim na Honda CRF na walang nakakabit na plaka nang umano’y sundan ito ng mga suspek na sakay ng gray na Suzuki Stingray na may hindi pa beripikadong plate number.
Pagdating sa lugar ng insidente, umano’y pinaputukan ng hindi pa nakikilalang suspek o mga suspek ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima at agad na isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Talayan MPS sa Dalican District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Wala namang nakuhang basyo ng bala sa crime scene, habang inangkin na ng mga kaanak ang labi ng biktima para sa kaukulang Muslim burial rites.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek o mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaril.
Hiniling na rin ang crime scene processing ng Police Forensic Unit ng Maguindanao del Sur, habang nakipag-ugnayan ang pulisya sa pamilya ng biktima bilang bahagi ng mas malalim na imbestigasyon.
Nagsagawa rin ng hot pursuit operation ang mga awtoridad, habang nagpaabot naman ng abiso ang PTOC Maguindanao del Sur sa mga karatig na police units at AFP counterparts para sa dragnet at checkpoint operations.

















