KINUWESTIYON ng House prosecution panel kung paano ganap na magagampanan ni Senador Jinggoy Estrada ang kanyang tungkulin bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung hindi siya makakadalo nang personal sa mga pagdinig.
Sa paglulunsad ng “Bantay Impeachment” sa Quezon City, sinabi ni House Prosecutor Joel Chua na mahalagang pisikal na naroroon ang mga senator-judge upang direktang masubaybayan ang testimonya ng mga saksi at masuri ang kanilang kredibilidad habang tumatakbo ang paglilitis.
Ayon naman kay impeachment trial spokesperson Renee Co, nananatiling umiiral ang mga patakaran ng Senado kaya maaaring magkaroon ng limitasyon sa partisipasyon ni Estrada dahil sa kanyang preventive suspension.
Binigyang-diin pa ni Co na mas epektibo ang paghusga kapag personal na nasasaksihan ng mga hukom ang buong proseso ng paglilitis kaysa sa pamamagitan lamang ng online o malayuang paglahok.
Samantala, wala pang pinal na desisyon ang Senado kung sino ang magsisilbing Presiding Officer ng impeachment court. Inaasahang matutukoy ito sa pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.
Haharapin ni Vice President Duterte sa impeachment proceedings ang mga alegasyon kaugnay ng confidential funds, umano’y hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta sa ilang opisyal ng pamahalaan.

















