Kinumpirma ng mga awtoridad ang pagkasawi ng dalawang batang magkapatid na nalunod sa Kabacan River.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lieutenant James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, kinilala ang mga biktima sa mga alyas na Joha, 4 na taong gulang, at Jackie, 6 na taong gulang.
Unang narekober ang katawan ng bunsong si Joha noong Biyernes, habang natagpuan naman ang bangkay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Jackie sa bahagi ng USM River Park, sa likod ng USM Amphitheater, nitong Linggo ng hapon.
Batay sa ulat ng Kabacan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, naglalaro lamang umano ang magkapatid sa gilid ng ilog kasama ang ilang kaibigan bago sila bumaba sa tubig at tangayin ng rumaragasang agos.
Ayon sa mga otoridad, walang nagawang paghingi ng tulong ang mga bata, at walang nakaalalay o nakabantay sa kanila noong mga oras na iyon.
Nakapagpaabot na ng pinansyal na ayuda at serbisyong suporta ang Lokal na Pamahalaan ng Kabacan sa naulilang pamilya para sa pagpapalibing at iba pang pangangailangan.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang LGU Kabacan sa lahat ng tumulong sa retrieval operations — kabilang ang Kabacan MDRRMO, Makilala at Carmen MDRRMO, Cotabato PDRRMO, mga barangay responders, PNP, BFP, USM SRR, at mga volunteer.
Partikular na binigyang-pugay ang kabayanihang ipinakita ni Jayr Sangcala, ang volunteer diver na siyang nakakita at sumisid upang marekober ang isa sa mga bata.
Samantala, isinailalim na sa psychosocial intervention ang isa sa mga batang kalaro na saksi mismo sa insidente.
Muling paalala ng mga otoridad sa lahat ng magulang at tagapag-alaga: huwag hayaang mapabayaan ang mga bata, lalo na kung malapit sa mga ilog o anumang anyong-tubig. Isang saglit na kapabayaan ay maaaring mauwi sa hindi na maibabalik na trahedya.