Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang kabuuang 215 volcanic earthquakes sa paligid ng Bulkang Bulusan sa nakalipas na 24 oras, indikasyon ng nagpapatuloy na aktibidad sa ilalim ng bulkan.
Batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya, umabot sa 52 tonelada kada araw ang naitalang sulfur dioxide emission noong Hunyo 11, habang nakitaan din ng katamtamang pagbuga ng usok ang bulkan na umabot sa tinatayang 150 metro ang taas bago tinangay ng hangin patungong timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran.
Iniulat din ng PHIVOLCS ang panandaliang pamamaga o ground deformation sa estruktura ng bulkan, isang senyales na maaaring may paggalaw ng magma o iba pang proseso sa ilalim ng lupa.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang mga residente at lokal na pamahalaan sa paligid ng Bulkang Bulusan na manatiling alerto at mahigpit na sumunod sa mga abiso at safety protocols ng mga awtoridad.
Patuloy namang mino-monitor ng ahensya ang kalagayan ng bulkan habang nananatili ang banta ng mga posibleng aktibidad na maaaring makaapekto sa mga komunidad na nasa paligid nito.