Mahigit 54,000 katao umano ang dumalo sa simultaneous region-wide campaign kickoff ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM noong Agosto 8, 2026.
Batay sa datos na inilabas ng partido, nasa 6,000 ang dumalo sa Basilan, higit 10,000 sa Cotabato City, tinatayang 17,000 sa Lanao del Sur, nasa 10,000 sa Maguindanao del Sur, mahigit 6,500 sa Maguindanao del Norte at humigit-kumulang 5,000 naman mula sa Special Geographic Area.
Kabilang sa mga dumalo ang mga kandidato, miyembro ng partido, lokal na lider at mga tagasuporta ng BFP.
Sa naturang aktibidad, ipinakilala ng partido ang mga kandidato nito para sa unang BARMM Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14, 2026, kasabay ng paglalahad ng kanilang mga plataporma at programa.
Ayon sa BFP, kabilang sa kanilang mga binibigyang-diin ang mga usapin sa serbisyo publiko, kapayapaan, pagkakaisa at kaunlaran sa Bangsamoro.
Sinabi rin ng partido na layunin ng kanilang kampanya na makipag-ugnayan nang direkta sa mga komunidad upang alamin ang mga suliranin at pangangailangan ng mga mamamayan.
Samantala, ang bilang na mahigit 54,000 dumalo ay batay sa pagtataya at datos na inilabas ng mismong Bangsamoro Federalist Party. Ang aktwal na bilang ng mga dumalo sa bawat lugar ay hindi pa independiyenteng beripikado.
Ang BFP ang isa sa mga partidong naghahanda para sa unang regular parliamentary elections sa BARMM na gaganapin sa Setyembre 14.

















