Pormal nang naging bahagi ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) ang mahigit 700 halal na opisyal mula sa limang bayan sa ikalawang distrito ng Maguindanao del Sur matapos silang manumpa sa isinagawang orientation at oath-taking ceremony kahapon, Hulyo 23.
Kabilang sa mga lumahok sa panunumpa ang mga alkalde, bise alkalde, konsehal, punong barangay, at mga barangay kagawad mula sa mga bayan ng Datu Piang, Datu Saudi-Ampatuan, Shariff Saydona Mustapha, Datu Unsay, at Datu Salibo.
Ayon kay Bangsamoro Federalist Party President at Member of Parliament Dr. Tomanda Antok, patuloy na lumalawak ang hanay ng kanilang partido kasabay ng pagsusulong nito ng kapayapaan, pagkakaisa, at pag-unlad sa Bangsamoro.
Hinimok din ni Antok ang mga bagong kasapi ng partido na patuloy na magkaisa at pairalin ang maayos na pakikipagtulungan upang higit na mapabuti ang serbisyo para sa kanilang mga nasasakupan.

















