Pormal nang sinalubong ng Western Mindanao Command o WestMinCom si Major General Jose Vladimir Cagara bilang bagong Acting Commander nito sa isinagawang Change of Command Ceremony sa Camp Navarro, Zamboanga City kahapon Agosto 17, 2026.

Pinangunahan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Antonio Nafarrete ang seremonya na naging pormal na turnover ng pamumuno mula kay Lieutenant General Donald Gumiran kay Cagara.

Si Gumiran, na dating WestMinCom Commander at kasalukuyang Commanding General ng Philippine Army, ay kinilala ni Nafarrete sa kanyang mga naging ambag at pamumuno sa pagsusulong ng misyon ng command at pagtugon sa mga hamon sa seguridad sa Western Mindanao.

Samantala, nagpahayag naman ng tiwala si Nafarrete kay Cagara sa kanyang pag-upo bilang Acting Commander ng WestMinCom at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga umiiral na misyon at operasyon sa kabila ng pagbabago sa pamunuan.

Ayon kay Nafarrete, maaaring magbago ang mga commander ngunit nananatili ang tungkulin ng Sandatahang Lakas na maglingkod at protektahan ang sambayanang Pilipino.

Sa ilalim ng bagong pamunuan, patuloy na nakatuon ang WestMinCom sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Western Mindanao, gayundin sa pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na komunidad at iba pang stakeholders.

VIA Western Mindanao Command, AFP