Binigyang-diin ng 4 Bangsamoro Federalist Party o 4BFP ang pangangailangan para sa mas malawak at inklusibong programa laban sa kahirapan, partikular sa mga liblib at isolated na komunidad sa Bangsamoro Region.
Inihayag ito ni 4BFP Spokesperson at MP Atty. Naguib G. Sinarimbo sa isinagawang debate ng mga partidong kalahok sa 2026 First Bangsamoro Parliamentary Elections kahapon sa Notre Dame University sa Cotabato City.
Ayon kay MP Atty. Sinarimbo, hindi magiging sapat ang mga programang panglaban sa kahirapan kung hindi ito nakararating sa mga komunidad na higit na nangangailangan ng tulong.
Marami pa aniya sa mga pamilyang nasa malalayong lugar ang hindi lubusang nakikinabang sa mga programa at serbisyong inilaan ng pamahalaan.
Giit ni MP Atty. Sinarimbo, kailangan ng sapat na pondo upang mapalawak at maging mas epektibo ang mga anti-poverty program, at matiyak na walang komunidad o pamilyang maiiwan.
Aniya, sa pamamagitan ng sapat na pondo at mas maayos na paghahatid ng serbisyo sa mga liblib na lugar, mas mapapalawak ang mga programang nakatuon sa pagtugon sa kahirapan at pagpapaunlad sa rehiyon.

















