Nagsasagawa ng pagpupulong ang Joint Committees on Basic, Higher, and Technical Education at Finance, Budget, and Management ng Bangsamoro Parliament upang talakayin ang iba’t ibang isyung kinahaharap ng sektor ng edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Pinangunahan ang pagpupulong nina Committee on Basic, Higher, and Technical Education Chairperson MP Tomanda Antok at Committee on Finance, Budget, and Management Chairperson MP Kitem Kadatuan Jr.

Kabilang sa mga tatalakayin ang pagpuno sa mga bakanteng posisyon sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE), gayundin ang imbestigasyon sa hindi naihuhulog na kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) ng mga guro at iba pang empleyado.

Ilalahad din sa pulong ang comprehensive report hinggil sa kalagayan ng mga pasilidad ng paaralan sa BARMM, pati na ang pagsusuri sa kondisyon ng edukasyon ng mga batang kabilang sa Indigenous Peoples (IP) communities sa rehiyon.

Tatalakayin rin ang kasalukuyang estado ng mga barangay na walang paaralan at ang mga hakbang upang mapalawak ang access sa edukasyon para sa mga mag-aaral sa mga nasabing lugar.

Sinuri rin ng mga komite ang mga isyu at hamon na dulot ng sentralisadong proseso ng pagkuha ng mga empleyado ng MBHTE, kabilang ang naantalang pagpapalabas ng sahod ng mga guro at iba pang kawani ng edukasyon.

Kasama rin sa agenda ang pagsusuri sa pagtalaga at pagkuha ng mga guro sa secondary na nagtuturo sa mga paaralang elementarya at ang epekto nito sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa rehiyon.

Ayon kay MP Kadatuan, layunin ng pagpupulong na matugunan ang mga suliraning nakaaapekto sa sektor ng edukasyon at makapaglatag ng mga konkretong hakbang upang mapabuti ang serbisyo para sa mga mag-aaral at mga guro sa BARMM.