Nagsagawa ng internal verification ang Moro Islamic Liberation Front o MILF-Ad Hoc Joint Action Group at MILF- Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities sa Barangay Manaulanan, Tugunan, Special Geographic Area ng BARMM.
Layunin ng beripikasyon na alamin ang buong detalye at aktuwal na pangyayari sa likod ng kamakailang engkuwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at isang armadong grupo.
Personal na pinangunahan nina MILF-AHJAG Chair Anwar S. Alamada at MILF-CCCH Chair Malik J. Caril ang verification team.
Kasama rin sa nagsagawa ng beripikasyon sina MILF-AHJAG Team Site 1 Leader Nor-Ali P. Alamada, Dhen M. Pandita, Atty. Badrudin “Bogaro Bador” Mangindran, at iba pang kinatawan ng AHJAG at CCCH.
Nakibahagi rin sa aktibidad ang mga lokal na opisyal at kinatawan ng komunidad, kabilang ang dating Datu Salibo Mayor Norodin “Kumander Franco” Salasal, gayundin ang kinatawan ng Tugunan Committee on Peace and Order at Barangay Manaulanan.
Ayon sa grupo, bahagi ito ng kanilang mandato upang matiyak ang pagsunod sa kasunduan sa tigil-putukan at mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad sa SGA na apektado ng armadong labanan.

















