Nagpahayag ng kaniyang panig si Member of Parliament Atty. Kitem “Kits” Kadatuan Jr. kaugnay sa umiiral na diskusyon tungkol sa kahulugan ng terminong “MILF-led” sa Bangsamoro Transition Authority o BTA.
Sa kaniyang pahayag, iginiit ni Kadatuan na dapat umanong ibatay ang interpretasyon sa malinaw na nakasaad sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB at sa Republic Act 11054 o Bangsamoro Organic Law.
Ayon sa kanya, ang salitang “lead” o “led” ay maaaring tumukoy sa leadership o sa membership, na aniya ay dalawang magkaibang konsepto.
Ipinaliwanag nito na sa CAB ay walang probisyon na nagsasaad na ang MILF ay dapat manguna sa membership o magkaroon ng mayorya sa bilang ng mga miyembro ng BTA.
Binigyang-diin din ni Kadatuan na sa mga naunang bersyon ng panukalang batas sa Kamara at Senado ay may nakasaad umanong probisyon na ang MILF ay mangunguna sa leadership at membership, subalit ayon sa kanya ay tinanggal ang salitang “membership” sa bicameral conference committee version na kalaunan ay naging pinal na bersyon ng batas.
Aniya, sa ilalim ng umiiral na Bangsamoro Organic Law, ang nakasaad lamang ay “the MILF shall lead the BTA,” at wala umanong espesipikong probisyon na nagtatakda ng partikular na bilang o mayorya ng miyembro para sa MILF.
Dagdag pa nito, maaaring isinantabi ang salitang “membership” upang maiwasan ang posibleng isyu sa konstitusyon kaugnay ng kapangyarihan ng Pangulo sa paghirang ng mga opisyal.Sa kasalukuyan, sinabi ni Kadatuan na ang BTA ay pinamumunuan ng MILF sa pamamagitan ng Chief Minister at Speaker ng Parliament, na kapwa mula sa hanay ng MILF.
Nauna nang naglabas ng hiwalay na legal na pananaw ang dating ARMM Solicitor General na nagsusulong ng ibang interpretasyon sa terminong “MILF-led,” at ang usapin ay nakabinbin ngayon sa Korte Suprema para sa pinal na pagpapasya.

















