Umakyat na sa 51 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng monkeypox o mpox sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Mayo 5 hanggang Hunyo 10, 2025, ayon sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) ng Ministry of Health-BARMM.
Kahapon, Hunyo 10, 2025, nakapagtala ng karagdagang apat na suspected cases. Sa kabuuan, binubuo ito ng 36 na suspected, 7 na probable, at 8 kumpirmadong kaso. Maliban sa isang suspected case, lahat ng mga ito ay naghihintay pa ng resulta ng laboratory tests.
Samantala, umabot na sa 12 ang bilang ng mga kasong nag-negatibo sa mpox mula Mayo 5 hanggang Hunyo 10. Batay sa huling tala noong Hunyo 9, nasa 40 porsyento ang positivity rate ng mpox sa rehiyon.
Ayon sa RESU-BARMM, narito ang distribusyon ng mga kaso sa mga lalawigan at lungsod:
Sa Cotabato City, may 18 suspected cases, 2 probable, at 2 confirmed cases.
Sa Maguindanao del Sur, may 10 suspected cases, 2 probable, at 3 confirmed cases.
Sa Maguindanao del Norte, may 6 suspected cases, 3 probable, at 3 confirmed cases.
Sa Lungsod ng Lamitan, may 2 suspected cases, at wala namang probable o confirmed cases.
May kabuuang 8 recovered cases sa buong rehiyon — apat mula sa Maguindanao del Norte at apat din mula sa Cotabato City. Isa namang suspected death case ang naitala sa Cotabato City.
Paalala ng Ministry of Health, ang mpox ay isang nakahahawang sakit ngunit ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng tamang kalinisan at pag-iingat.
Para sa kaligtasan, mahalagang takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing, tiyakin ang maayos na bentilasyon sa paligid, ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon o gumamit ng alcohol-based sanitizer, at iwasan ang direktang kontak sa mga taong may sintomas.
Kabilang sa mga sintomas ng mpox ay mga pantal o sugat sa balat na may kasamang lagnat, pamamaga ng kulani, pananakit ng lalamunan, kalamnan at likod, pananakit ng ulo, at matinding pagkapagod.