Tuluyan nang nabuwag ang isang yunit ng rebeldeng grupo matapos sumuko sa pamahalaan ang huling miyembro nito sa Barangay Banglay, bayan ng Lagonglong, Misamis Oriental.
Kinilala ang sumuko sa alyas na Sidlak, 34-anyos at residente ng nasabing barangay. Siya ay dating kasapi ng SRSDG MTJ Eagles na nasa ilalim ng SRC 1, NCMRC.
Ayon sa ulat, boluntaryong sumuko si Sidlak sa mga tropa ng pamahalaan noong Abril 10, 2026, kung saan isinuko rin niya ang isang M16 rifle, tatlong magazine, at tinatayang 2,500 na bala.
Napag-alaman na naging daan sa kanyang pagbabalik-loob ang patuloy na paghikayat at suporta ng kanyang pamilya—patunay sa mahalagang papel ng komunidad sa pagsusulong ng kapayapaan.
Dahil sa kanyang pagsuko, opisyal nang idineklarang dismantled ang SRSDG MTJ Eagles, na itinuturing na malaking hakbang sa layunin ng pamahalaan na makamit ang matatag na kapayapaan at seguridad sa Misamis Oriental.
Sa pahayag ni LTC Grezula, kanyang tinanggap ang pagsuko ni Sereño at hinikayat ang iba pang natitirang rebelde na sundan ang kanyang yapak tungo sa mapayapang pamumuhay.
Samantala, pinuri naman ni Brigadier General Edmund Paul R. Delos Santos, Commander ng 402nd Infantry Brigade, ang mga tropa at mga katuwang na ahensya sa matagumpay na operasyon, na aniya’y bunga ng tuloy-tuloy na kampanya at matibay na ugnayan sa iba’t ibang sektor.
Patuloy naman ang panawagan ng 58th Infantry Battalion sa mga natitirang miyembro ng armadong grupo na sumuko na, makipagbalikan sa kanilang pamilya, at samantalahin ang mga programang inihahandog ng pamahalaan para sa kanilang bagong simula.

















