Suportado ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU at Government Peace Implementing Panel o GPIP ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI sa karahasang naganap sa Cotabato City bisperas ng unang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Ayon sa OPAPRU at GPIP, nakipag-ugnayan na sila sa NBI noong araw mismo ng halalan upang hilingin ang paglahok nito sa imbestigasyon, bago pa man ang mga sumunod na panawagan para sa pagsisiyasat.

Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang mga totoong pangyayari, malaman kung sino ang dapat managot at mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Iginiit ng dalawang grupo na dapat maresolba ang insidente sa pamamagitan ng rule of law at sa tulong ng mga kinauukulang institusyon ng pamahalaan.

Hinimok din ng OPAPRU at GPIP ang lahat ng panig na hayaang umusad nang malaya, patas at nakabatay sa ebidensya ang imbestigasyon, habang patuloy na pinananatili ang kapayapaan at katatagan sa Bangsamoro.