Isinusulong ngayon sa Senado ang isang panukalang batas na magpapatupad ng “no work, no pay policy para sa matataas na opisyal ng pamahalaan na lumiliban sa trabaho nang walang sapat na paliwanag.
Saklaw ng panukala ang Pangulo, Bise Presidente, mga senador, kongresista, iba pang halal na opisyal, mga kalihim ng gabinete, at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, hindi lamang sahod ang maaaring hindi maibigay sa mga opisyal na absent nang walang wastong abiso, kundi maging ang kanilang mga allowance at iba pang kaukulang benepisyo para sa mga araw na hindi sila pumasok sa trabaho.
Ayon kay Senador Erwin Tulfo, na siyang nagsusulong ng panukala, matagal nang napapansin na may mga mataas na opisyal na patuloy na tumatanggap ng sahod kahit hindi pumapasok sa trabaho at walang sapat na paliwanag sa kanilang pagliban.
Iginiit ni Tulfo na dapat maging pantay ang pagpapatupad ng patakaran sa lahat ng empleyado ng gobyerno. Aniya, kung ang mga ordinaryong kawani ay hindi sumasahod kapag absent, nararapat lamang na sumunod din dito ang mga nakatataas na opisyal.
Binanggit din ng senador ang naging hakbang ni Senador Jinggoy Estrada na boluntaryong isinuko ang kanyang sahod noong siya ay maaresto, bilang halimbawa ng pananagutan sa serbisyo publiko.
Naging sentro rin ng usapin ang panukala matapos mabigyang-pansin ang matagal na pagliban ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa ilang sesyon habang patuloy umanong tumatanggap ng kanyang suweldo.

















