Nagresulta sa pagkakasawi ng isang mataas na lider ng Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ang isinagawang operasyon ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) laban sa Communist Terrorist Group (CTG) noong Mayo 11 sa Barangay Bayan, Marihatag, Surigao del Sur.
Kinilala ng militar ang nasawing rebelde na si Edilberto Daval, alyas “Bong” at “Waco,” na umano’y Commanding Officer ng Regional Operations Command ng NEMRC. Nadakip naman sa naturang operasyon si Jaymark Bada Lamela, alyas “Miggy” o “Migz,” na hinihinalang miyembro ng security unit ng grupo.
Ayon sa EastMinCom, nagsagawa ng operasyon ang tropa ng 75th Infantry Battalion at 3rd Special Forces Battalion sa ilalim ng 401st Infantry Brigade, 4th Infantry Division, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga concerned citizens hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde sa lugar.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska rin ng mga sundalo ang isang Tavor TAR-21 assault rifle at isang R4 rifle mula sa pinangyarihan ng engkwentro.
Batay sa rekord ng korte, si Daval ay nahaharap sa iba’t ibang kaso kabilang ang murder, frustrated murder, attempted murder, kidnapping at serious illegal detention, destructive arson, arson, at paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.
Sinabi ng militar na matagal nang iniuugnay ang grupo ni Daval sa serye ng mararahas na aktibidad, pangongotong, at pangha-harass sa ilang komunidad sa Caraga Region na umano’y naging hadlang sa kaunlaran at kapayapaan sa lugar.
Ayon kay EastMinCom Commander Lt. Gen. Adonis Ariel G. Orio, malaking epekto sa operasyon ng NEMRC ang pagkakapatay sa lider nito dahil lalo nitong pinahihina ang kakayahan ng grupo na magsagawa ng mga armadong aktibidad sa rehiyon.
Ibinunyag din ng EastMinCom na mula sa tinatayang 43 miyembro ng NEMRC noong Nobyembre 2025, bumaba na lamang ito sa walong natitirang miyembro pagsapit ng Mayo 2026 dahil sa pinaigting na focused military operations at suporta ng mga lokal na pamahalaan at komunidad.
Matatandaang noong Abril 17, 2026, napatay rin si Lucy Canda, alyas “Ka Madi” o “Luis,” na asawa ni Daval at itinuturong finance officer ng NEMRC, sa isinagawang operasyon ng 30th Infantry Battalion sa San Miguel, Surigao del Sur.
Pinuri naman ni Lt. Gen. Orio ang mga tropang nagsagawa ng operasyon dahil sa kanilang dedikasyon at pagiging propesyonal sa pagtupad ng tungkulin.
Binigyang-diin din ng opisyal na mananatiling nakabatay sa paggalang sa karapatang pantao at rule of law ang lahat ng operasyon ng militar habang ipinagpapatuloy ang kampanya laban sa insurhensiya sa Eastern Mindanao.

















