Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na may sapat na pondong nakalaan ang pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Gatchalian, maaaring umabot sa P180 bilyon ang pondong maaaring gamitin ng Executive Department para sa mga programa at proyektong nakatuon sa reconstruction at recovery efforts sa mga lugar na sinalanta ng malakas na pagyanig.
Bilang dating chairman ng Senate Finance Committee na nanguna sa pagsusuri ng 2026 National Budget, sinabi ni Gatchalian na isusulong niya ang mas mabilis na pagpapalabas ng mga kinakailangang pondo upang agad na matulungan ang mga apektadong residente at mapabilis ang rehabilitasyon.
Ipinaliwanag niya na hanggang P18 bilyon mula sa kabuuang halaga ang maaaring magmula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund para suportahan ang mga proyekto sa muling pagtatayo at pagkukumpuni ng mga nasirang imprastraktura at pampublikong pasilidad.
Binigyang-diin ng Senate President na hindi kakulangan ng pondo ang pangunahing hamon sa ngayon kundi ang maagap at mabilis na paglalabas nito upang agad na makabangon ang mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.

















