Naglaan ng P200,000 na pabuya ang alkalde ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte na si Mayor Datu Tucao Mastura sa makakapagbigay impormasyon o sa kinaroroonan ng taong pumatay sa kapitan ng Barangay Bulibod na si Esmael Mustapha at maybahay nito na si Rahima Maulana Mustapha.

Ito ang kanyang garantiya matapos itong personal na tumungo sa bahay ng pinaslang na kapitan upang makiramay sa pamilya nito.

Naniniwala ang alkalde na sa patong sa ulo ng naturang pumatay sa kapitan, agad itong matutukoy.

Tiniyak naman ng mga otoridad na magiging anonymous o confidential ang pagkatao ng magiging informante.

Itinuturing naman ni Mastura na malaking kawalan sa serbisyo publiko ang kapitan sapagkat aktibo ito sa paglaban sa iligal na droga.

Nakatakda naman na ipatawag ni Mayor Mastura ang 39 na mga kapitan ng 39 na barangay ng bayan upang ipaalala dito at tiyakin nito ang kanilang pansariling seguridad.