Sampung matataas na uri ng baril at isang granada ang boluntaryong isinuko sa militar sa ilalim ng Balik-Baril Program sa Maguindanao del Sur, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na armas sa rehiyon.
Ang mga armas ay isinuko ng ilang indibidwal mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Talitay, sa pangunguna ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Sedik Ameril.
Pormal na tinanggap ni Lt. Col. William Sabado, commanding officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion, ang mga isinukong armas sa isang turnover ceremony na ginanap sa headquarters ng yunit sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang.
Kalaunan, iniharap ang mga ito kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601st Infantry Brigade, sa harap ng mga lokal na opisyal at iba pang kinatawan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga isinukong kagamitang pandigma ang mga M16 rifle, M1 Garand rifle, Uzi submachine gun, MAC-10, caliber .50 Barrett sniper rifle, dalawang rocket-propelled grenade, at isang fragmentary hand grenade.
Ayon kay Brig. Gen. Catu, ang matagumpay na pagsuko ng mga armas ay patunay ng lumalakas na kooperasyon ng komunidad, lokal na pamahalaan, at mga pwersang panseguridad sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan.
Binigyang-diin niya na bawat ilegal na armas na naiaalis sa komunidad ay katumbas ng mga buhay na maaaring mailigtas at mga krimeng maaaring mapigilan.
Pinuri rin ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang matagumpay na operasyon. Aniya, sumasalamin ito sa matatag na ugnayan ng militar, pulisya, lokal na pamahalaan, at mamamayan sa pagpapatupad ng Balik-Baril Program.
Hinimok din niya ang iba pang may hawak ng hindi lisensyadong armas na samantalahin ang programa at boluntaryong isuko ang kanilang mga baril upang maiwasan itong magamit sa karahasan at kriminalidad.

















