Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P437,036 halaga ng hinihinalang shabu matapos maaresto ang isang 37-anyos na high-value individual o HVI sa buy-bust operation sa Barangay Tubod, Iligan City.

Ayon sa Police Regional Office 10, nasa 64.27 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa suspek na alyas “Mar,” isang driver at residente ng nasabing barangay.

Isinagawa ang operasyon ng City Drug Enforcement Unit ng Iligan City Police Office, katuwang ang Iligan City Mobile Force Company at iba pang police personnel.

Nakumpiska rin ang weighing scale, drug paraphernalia at buy-bust money.

Dinala na ang suspek sa Police Station 4 para sa dokumentasyon at pansamantalang kustodiya.

Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.