Posibleng bahagi ng legal na hakbang ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naging desisyon nitong hindi dumalo sa unang status conference ng kaniyang kaso sa International Criminal Court, ayon kay Atty. Kristina Conti.

Sa isang panayam, sinabi ni Conti na maaaring may kaugnayan sa depensa ang pag-waive ni Duterte sa kaniyang personal na pagharap sa pagdinig, habang patuloy ding pinag-uusapan ang kalagayan ng dating pangulo matapos itong hindi makita sa publiko sa nakalipas na mga buwan.

Pormal na isinuko ni Duterte ang kaniyang karapatang dumalo sa status conference na itinakda ngayong Mayo 27, matapos magsumite ng pirmadong waiver ang kaniyang lead counsel na si Atty. Peter Haynes sa ICC Trial Chamber III noong Mayo 25.

Inaasahang tatalakayin sa naturang pagdinig ang iskedyul ng paglilitis, presentasyon ng ebidensya, paggamit ng mga wika sa korte, paglahok ng mga testigo, at iba pang preparatory matters bago ang aktuwal na paglilitis.

Ipinaliwanag din ni Conti na bagama’t maaaring hindi dumalo ang isang akusado sa ilang procedural hearings, kinakailangan pa rin ang personal na pagharap sa mahahalagang yugto ng proseso maliban kung may sapat na legal na dahilan para sa pagliban.