Kinondena ng isang mambabatas ang umano’y pambabastos at pangha-harass sa isang lady mayor na iniuugnay sa usaping pulitika.

Ayon kay BTA Parliament Deputy Floor Leader at BFP President for Cotabato City MP Naguib Sinarimbo, malinaw na paglabag sa Republic Act No. 11313 o Bawal Bastos Act ang mapanlait na komento ng isang netizen laban kay Matanog Mayor Bai Zohria Bansil Guro.

Naganap umano ang insidente matapos ihayag ni Mayor Guro ang kanyang suporta sa Bangsamoro Federalist Party.

Giit ni Sinarimbo, ang naturang pahayag ng netizen ay maituturing na gender-based harassment na may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas.

Dagdag pa nito, sumasalamin umano sa asal ng nagkomento ang naturang pambabastos na hindi dapat pinapalampas ng publiko.

Binigyang-diin din ni Sinarimbo na ang pag-atake kay Mayor Guro ay halimbawa ng mapanira at mapaniil na diskurso sa pulitika na kadalasang nararanasan ng mga kababaihan.

Ayon pa sa mambabatas, hindi dapat maging normal ang ganitong uri ng asal lalo na kung nagiging target ang mga babaeng lider na nagpapahayag ng kanilang paninindigan.

Kasabay nito, nanawagan si Sinarimbo sa mga tagasuporta at opisyal ng iba’t ibang partido, kabilang ang United Bangsamoro Justice Party, na maging responsable sa kanilang mga aksyon at pananalita.

Iginiit din nito na hindi dapat hinahayaan ng mga lider ang kanilang mga tagasuporta na manira o umatake sa kapwa lalo na kung taliwas lamang sa kanilang paniniwala.

Binigyang babala rin ni Sinarimbo na ang ganitong gawain ay lumalabag sa prinsipyo ng demokrasya at maayos na proseso ng halalan.

Sa huli, umaasa ang mambabatas na magsilbing daan ang nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections upang maisulong ang malusog na diskurso at mapanatili ang respeto sa bawat isa.