Nasabat ng Philippine Coast Guard ang isang motor banca na may dalang hinihinalang smuggled cigarettes sa maritime patrol operation sa karagatang sakop ng Pata at Kamawi Islands, Sulu, bandang alas-10 ng gabi noong May 31, 2026.
Ayon sa Coast Guard District Southwestern Mindanao, nakita ng mga tauhan ng BRP Capones (MRRV-4404) ang kahina-hinalang kilos ng naturang bangka habang mabilis na tumatakas sa patrol area, dahilan upang agad itong habulin at i-intercept.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre na walang Safety, Security, and Environmental Numbering (SSEN) markings ang motor banca at wala ring kaukulang rehistro at dokumento sa operasyon nito.
Natagpuan sa loob ng bangka ang 36 master cases at 60 reams ng mga hinihinalang kontrabandong sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng aabot sa P5 milyon. Sakay nito ang dalawang lalaki na mula sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
Bandang ala-10:30 ng gabi noong June 1, 2026, matagumpay na naitawid at nahila ng BRP Capones, sa tulong ng Coast Guard Station Zamboanga, ang nasirang motor banca patungong Paniran Wharf sa Zamboanga City sa kabila ng masamang panahon sa dagat.
Dahil sa pagpasok ng tubig-dagat, agad na isinailalim sa unloading ang mga nakumpiskang sigarilyo bago ito tuluyang itinurn-over sa Coast Guard Station Zamboanga para sa dokumentasyon.
Bandang alas-11 ng gabi, pormal itong isinuko sa Bureau of Customs – Port of Zamboanga para sa kaukulang disposisyon alinsunod sa umiiral na batas.
Patuloy namang pinaiigting ng Philippine Coast Guard ang kanilang maritime security operations upang masugpo ang illegal smuggling at mapanatili ang seguridad sa karagatan ng bansa.

















